Ang salaysay ng pagyakap sa Islām ni `Amr bin `Abasah at ang pagtuturo ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ng ṣalāh at wuḍū' sa kanya.

Ang salaysay ng pagyakap sa Islām ni `Amr bin `Abasah at ang pagtuturo ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ng ṣalāh at wuḍū' sa kanya.

Ayon kay `Amr bin `Abasah, malugod si Allāh sa kanya, na nagsabi: "Ako noon, samantalang nasa Panahon ng Kamangmangan, ay nagpapalagay na ang mga tao ay nasa isang pagkaligaw, at na sila ay hindi nakabatay sa anuman habang sila ay sumasamba sa mga anito. Pagkatapos ay nakarinig ako ng isang lalaki sa Makkah na nagpapabatid ng mga kabatiran kaya umupo ako sa sasakyang hayop ko at pumunta sa kanya. Ang Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ay nakakubli pala dahil mga nananaig sa kanya ang mga kababayan niya. Tumalilis ako hanggang sa makapasok ako sa kanya at nagsabi ako sa kanya: 'Ano ka po?' Nagsabi: 'Ako ay propeta.' Nagsabi ako: 'Ano po ang propeta?' Nagsabi siya: 'Isinugo ako ni Allāh.' Nagsabi ako: 'Kalakip ng aling bagay ka isinugo Niya?' Nagsabi siya: 'Isinugo Niya ako kalakip ng pagpapanatili ng ugnayan sa mga kaanak, pagwasak sa mga anito, at na pakaisahin si Allāh nang hindi nagtatambal sa Kanya ng anuman.' Nagsabi ako: 'Kaya sino po ang kasama mo [sa gawaing] ito?' Nagsabi siya: '[Taong] malaya at alipin.' Kasama niya nang araw na iyon sina Abū Bakr at Bilāl, malugod si Allāh sa kanilang dalawa. Nagsabi ako: 'Tunay na ako ay susunod sa inyo.' Nagsabi siya: 'Tunay na ikaw ay hindi makakakaya niyon sa araw mong ito. Hindi mo ba nakikita ang kalagayan ko at ang kalagayan ng mga tao? Bagkus umuwi ka sa mag-anak mo. Kapag narinig mo akong nanaig na, pumunta ka sa akin.' Kaya pumunta ako sa mag-anak ko at dumating ang Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, sa Madīnah hanggang sa may dumating sa Madīnah na isang pangkat mula sa mag-anak ko. Nagsabi ako: 'Ano ang ginawa ng lalaking ito na dumating sa Madīnah?' Nagsabi sila: 'Ang mga tao ay mga nagmamadali papunta sa kanya gayong ninais ng mga kalipi niyang patayin siya ngunit hindi nila nakayang gawin iyon.' Kaya pumunta ako sa Madīnah at pumasok sa kinaroroonan niya. Nagsabi ako: 'O Sugo ni Allāh, nakikilala mo po ba ako?' Nagsabi siya: 'Oo; ikaw ang nakipagtagpo sa akin sa Makkah.' Nagsabi ako: 'O Sugo ni Allāh, magpabatid ka sa akin ng tungkol sa itinuro ni Allāh sa iyo at hindi ko nalalaman. Magpabatid ka sa akin ng tungkol sa pagdarasal.' Nagsabi siya: 'Magdasal ng dasal sa madaling-araw. Pagkatapos ay huminto ka sa pagdarasal hanggang sa umangat ang araw nang kasukat ng sibat sapagkat tunay na ito ay sumisikat kapag sumisikat sa pagitan ng dalawang sungay ng isang demonyo at sa sandaling iyan nagpapatirapa roon ang mga tumatangging sumampalataya. Pagkatapos ay magdasal ka sapagkat tunay na ang pagdarasal ay sinasaksihan at dinadaluhan hanggang sa pumantay ang anino sa sibat. Pagkatapos ay huminto ka sa pagdarasal sapagkat tunay na sandaling iyon ay pinaiinit ang Impiyerno. Kapag humaba ang anino ay magdasal ka sapagkat tunay na ang pagdarasal ay sinasaksihan at dinadaluhan hanggang sa magdasal ka sa hapon. Pagkatapos ay huminto ka sa pagdarasal hanggang sa lumubog ang araw sapagkat tunay na ito ay lumulubog sa pagitan ng dalawang sungay ng isang demonyo at sa sandaling iyan nagpapatirapa roon ang mga tumatangging sumampalataya.' Nagsabi ako: 'O Propeta ni Allāh, ang wuḍū' naman, magsalaysay ka sa akin ng tungkol doon.' Kaya nagsabi siya: 'Kapag mula sa inyo ay may isang taong pumunta sa panghugas niya, nagmumog, suminghot [ng tubig] at suminga, malalaglag ang mga kasalanan ng mukha niya mula sa mga dulo ng balbas niya kasama ng tubig. Pagkatapos [kapag] hinugasan niya ang mga kamay niya hanggang sa mga siko, malalaglag ang mga kasalanan ng mga kamay niya mula sa mga daliri niya kasama ng tubig. Pagkatapos [kapag] pinahiran niya ang ulo niya hanggang sa mga siko, malalaglag ang mga kasalanan ng mga ulo niya mula sa mga dulo ng buhok niya kasama ng tubig. Pagkatapos [kapag] hinugasan niya ang mga paa niya hanggang sa mga bukungbukong, malalaglag ang mga kasalanan ng mga paa niya mula sa mga daliri niya kasama ng tubig. Kung siya ay tumindig, nagdasal, nagpuri kay Allāh, pagkataas-taas Niya, nagbunyi sa Kanya, nagluwalhati sa Kanya sa pamamagitan ng karapat-dapat ukol sa Kanya, at naglaan ng puso niya kay Allāh, pagkataas-taas Niya, aalis siya sa kasalanan niya gaya ng anyo niya noong araw na ipinanganak siya ng ina niya.'" Nagsalaysay si `Amr bin `Abasah ng ḥadīth na ito kay Abū Umāmah na Kasamahan ng Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Nagsabi sa kanya si Abū Umāmah: "O `Amr bin `Abasah, tingnan mo ang sinasabi mo! Sa iisang tayuan binibigyan ang lalaking ito?" Kaya nagsabi si `Amr: "O Abū Umāmah, talaga ngang lumaki na ang edad ko, rumupok na ang buto ko, at lumapit na ang taning ko. Walang pangangailangan sa akin na magsinungaling laban kay Allāh, pagkataas-taas Niya, ni laban sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Kung sakaling hindi ko narinig iyon mula sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, malibang isang ulit o dalawang ulit o tatlo (hanggang sa bumilang siya ng pitong ulit) hindi ako magsasalaysay kailanman niyon, subalit narinig ko iyon nang higit pa roon."

[Tumpak] [Nagsalaysay nito si Imām Muslim]

الشرح

Nagpapabatid sa atin si `Amr bin `Abasah As-Salmīy, malugod si Allāh sa kanya, kung papaano ang kalagayan niya sa Panahon ng Kamangmangan at kung papaano siyang pinatnubayan ni Allāh tungo sa Islām. Siya noon, sa Panahon ng Kamangmangan, ay may liwanag sa puso niya, na naglilinaw sa kanya na ang mga taong iyon ay nasa kabulaanan at nasa shirk at pagkaligaw. Hindi pinaniniwalaan ang pinaniniwalaan nila. Pagkatapos ay nakarinig siya na may isang tao sa Makkah sa panahong iyon na nagpapabatid ng mga kabatiran. Sumakay siya sa sasakyang hayop niya, malugod si Allāh sa kanya, at pumunta sa Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, at natagpuan niya itong nagkukubli sa pag-aanyaya niya dahil sa takot sa pamiminsala ng mga Kāfir ng Quraysh. Nagsabi si `Amr bin `Abasah: "Tumalilis ako hanggang sa makapasok ako sa kanya at nagsabi ako sa kanya: 'Ano ka po?' Nagsabi: 'Ako ay propeta.' Nagsabi ako: 'Ano po ang propeta?' Nagsabi siya: 'Isinugo ako ni Allāh.' Nagsabi ako: 'Kalakip ng aling bagay ka isinugo Niya?' Nagsabi siya: 'Isinugo Niya ako kalakip ng pagpapanatili ng ugnayan sa mga kaanak, pagwasak sa mga anito, at na pakaisahin si Allāh nang hindi nagtatambal sa Kanya ng anuman.'" Dito ay nag-anyaya ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, tungo kay Allāh, kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan. Nilinaw niya ang mga kagandahan ng dakilang relihiyong ito. Ang pinakamahalagang bagay ay ang paniniwala sa kaisahan ni Allāh, kamahal-mahalan Siya at kapita-pitagan, at ang mararangal sa mga kaasalan. Binanggit niya sa Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ang nalalaman ng mga tao gamit ang mga isip nila: na ang mga anito ay walang kabuluhan. Dahil doon, ang lalaking ito, bago pa man pumasok sa Islām, ay nakaaalam na ito na ang ginagawa ng mga Mushrik na pagsamba ay walang kabuluhan. Siya ay naghahanap ng katotohanan, malugod sa kanya si Allāh na mapagpala at pagkataas-taas. Noong pumunta ito sa Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, binanggit niya rito na si Allāh ay nagsugo sa kanya dahil doon. Nagsabi siya: "Isinugo Niya ako kalakip ng pagpapanatili ng ugnayan sa mga kaanak." Ito ay mararangal sa mga kaasalan dahil ang mga mamamayan ng Makkah ay nagkakalat noon na ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ay dumating upang putulin ang ugnayan sa mga kaanak. Pinasinungalingan sila ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Siya ay dumating lamang upang panatilihin ang ugnayan sa mga kaanak hindi upang putulin ito. Nagsabi pa ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Ang pagwasak sa mga anito," - na tumutukoy sa pagwasak sa anumang sinasambang iba pa kay Allāh, napakamaluwalhati Niya, mapagpala Siya, at pagkataas-taas Niya, - "at na pakaisahin si Allāh nang hindi nagtatambal sa Kanya ng anuman." Nagsabi `Amr bin `Abasah: "Nagsabi ako: 'Kaya sino po ang kasama mo [sa gawaing] ito?'" Nangangahulugan ito: sino po ang pumasok sa relihiyong ito kasama mo? Nagsabi siya: "[Taong] malaya at alipin." Ang malaya ay si Abū Bakr, malugod si Allāh sa kanya, at ang alipin ay si Bilāl, malugod si Allāh sa kanya. Ang sinabing: "'Tunay na ako ay susunod sa inyo.' Nagsabi siya: 'Tunay na ikaw ay hindi makakakaya niyon sa araw mong ito..." Ang kahulugan lamang nito: na kapag sumunod siya rito at iniwan niya ang mga kalipi niya upang maging kasama ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, sa Makkah, tunay na ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ay hindi makakakayang magtanggol sa kanya laban sa mga Kāfir na ito kaya sinabi nito sa kanya: "Manatili ka sa mga kalipi mo bilang isang Muslim hanggang sa manaig ang relihiyong ito at saka ka pumunta sa akin at maging kasama sa amin." Ito ay bahagi ng habag niya, awa niya, at malasakit niya, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, sapagkat ang lalaking ito ay mahina. Nagsabi ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, sa lalaking ito: "Tunay na ikaw ay hindi makakakaya niyon sa araw mong ito. Hindi mo ba nakikita ang kalagayan ko at ang kalagayan ng mga tao?" Nangangahulugan ito: "Ang mga [masamang] tao ay marami. Sila ay nananakit sa akin. Hindi ko sila makaya, kaya papaano kitang maipagtatanggol?" Nagsabi ang Propeta: "Bagkus umuwi ka sa mag-anak mo. Kapag narinig mo akong nanaig na, pumunta ka sa akin." Ang kahulugan: Magpatuloy ka sa pagkakaanib mo sa Islām hanggang sa malaman mong ako ay nangibabaw na at saka ka pumunta sa akin." Nagsabi ang lalaki: "Kaya pumunta ako sa mag-anak ko at dumating ang Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, sa Madīnah habang ako noon ay nasa mag-anak ko. Nagsimula akong makibalita ng mga balita." Ito ay dahil sa ang Islām ay pumasok na sa puso ng lalaking ito, na nagsasabi: "Nagtatanong ako sa mga tao nang dumating siya sa Madīnah, hanggang sa may dumating na isang pangkat mula sa mag-anak ko mula sa Madīnah. Nagsabi ako: 'Ano ang ginawa ng lalaking ito na dumating sa Madīnah?'" Para bang ang lalaki ay nagkukubli ng pagkakayakap niya sa Islām at hindi niya inilantad ito dala ng pangamba sa mga kalipi niya. Nagsabi siya: "Nagsabi sila: 'Ang mga tao ay mga nagmamadali papunta sa kanya gayong ninais ng mga kalipi niyang patayin siya ngunit hindi nila nakayang gawin iyon.' Kaya pumunta ako sa Madīnah at pumasok sa kinaroroonan niya. Nagsabi ako: 'O Sugo ni Allāh, nakikilala mo po ba ako?' Nagsabi siya: 'Oo; ikaw ang nakipagtagpo sa akin sa Makkah.'" Nagsabi `Amr bin `Abasah: "Nagsabi ako: 'O Sugo ni Allāh, magpabatid ka sa akin ng tungkol sa itinuro ni Allāh sa iyo at hindi ko nalalaman. Magpabatid ka sa akin ng tungkol sa pagdarasal.'" Siya ngayon ay nagtatanong sa Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Ano po ang mga panuntunan ng Islām na bumababa sa iyo? Turuan mo po ako mula sa itinuro sa iyo ni Allāh, na hindi ko nalalaman. Magpabatid ka po sa akin ng tungkol sa pagdarasal." Nagsabi siya: "Magdasal ka ng dasal sa madaling-araw." Nangangahulugan ito: sa oras nito. "Pagkatapos ay huminto ka sa pagdarasal hanggang sa umangat ang araw..." Ang kahulugan: ang dasal sa madaling-araw ay walang kasunod na dasal pagkatapos nito kaya huminto ka sa pagdarasal hanggang sa sumikat ang araw. Kapag sumikat na ang araw, magdarasal ba siya ng dasal na sunnah? Nagsasabi sa kanya ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Pagkatapos ay huminto ka sa pagdarasal hanggang sa umangat ang araw nang kasukat ng sibat..." Nangangahulugan ito: sa pagtingin ng tumitingin sa araw. Ang "sapagkat tunay na ito ay sumisikat kapag sumisikat sa pagitan ng dalawang sungay ng isang demonyo..." ay tumutukoy sa oras ng pagsikat ng araw. Ito ay oras na nagpapatirapa ang mga Kāfir sa araw kaya hindi ipinahihintulot sa Muslim na ipagpaliban ang isinatungkuling dasal sa oras na ito nang kusang-loob niya at hindi rin ipinahihintulot sa kanya na dasalin ang sunnah na dasal sa oras ng pagsikat ng araw malibang nakaangat na ito. Matatagpuan mo sa kalendaryo ang "oras ng pagsikat ng araw" at ito ang oras na tinutukoy. Nagsabi ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "sapagkat tunay na ito ay sumisikat kapag sumisikat sa pagitan ng dalawang sungay ng isang demonyo at sa sandaling iyan nagpapatirapa roon ang mga tumatangging sumampalataya." Kaya naman pinagbawalan niya tayo na magpakawangis sa kanila. Nagsabi siya: "Pagkatapos ay magdasal ka sapagkat tunay na ang pagdarasal ay sinasaksihan at dinadaluhan..." Nangangahulugan ito: dinadaluhan ito ng mga anghel ng maghapon upang itala ito at sasaksihan ito para sa sinumang nagdasal nito kaya ito ay nangangahulugang isang sanaysay na sinasaksihan na itinatala. Nagsabi siya: "hanggang sa pumantay ang anino sa sibat. Pagkatapos ay huminto ka sa pagdarasal..." Nangangahulugan ito: sa sandali ng katanghaliang-tapat. Iyon ay kapag ang araw ay naging nasa gitna ng langit sa ibabaw ng ulo ng tao at ang buong anino ay naging nasa ilalim ng mga paa niya. Nagsabi ang Propeta sa kanya: "Huwag kang magdasal sa oras na ito." Ito ay isang maikling oras na nakatutumbas ng haba ng dalawang rak`ah, humigit-kumulang. Hindi ipinahihintulot sa Muslim na magdasal sa oras na ito dahil ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, ay nagsabi: "sapagkat tunay na sandaling iyon ay pinaiinit ang Impiyerno." Ito ay ang oras na ipinagbabawal ang pagdarasal. Kaya ang pumapasok [sa masjid] ay maghihintay hanggang sa nagsagawa ng adhān para sa dasal sa đuhr. Nagsabi siya: "Kaya kapag humaba ang anino..." Nangangahulugan ito: ang anino ay umiikli nang umiikli hanggang sa maging nasa ilalim ng mga paa mo at saka nagsisimulang lumilipat matapos niyon sa kabilang dako mula sa iyo. Ang anino sa oras ng adhān ng đuhry ay nagsimula nang lumipat mula sa kanluran patungong silangan. Nagsabi siya: "Kaya kapag humaba ang anino ay magdasal ka sapagkat tunay na ang pagdarasal ay sinasaksihan at dinadaluhan hanggang sa magdasal ka sa hapon." Nangangahulugan ito: magdasal ka ng dasal na isinatungkulin at sunnah hanggang sa oras ng `aṣr. Ito ay isang bukas na oras, kaya dasalin mo sa oras na ito ang ninais mong mga dasal na sunnah at walang pagkasuklam doon. Nagsabi ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "Pagkatapos ay huminto ka sa pagdarasal hanggang sa lumubog ang araw..." Nangangahulugan ito: kaya kapag nagdasal ka ng `aṣr ay huwag kang magdasal ng isang dasal na sunnah hanggang sa lumubog ang araw. Ang "Pagkatapos ay huminto ka sa pagdarasal hanggang sa lumubog ang araw..." ay maipakakahulugang kapag napakalapit na ang paglubog ng araw, manunumbalik na muli ang oras ng pagbabawal tulad ng sa pagsikat ng araw. Ang kasanhian dito ay na ito ay lumulubog sa pagitan ng dalawang sungay ng isang demonyo kaya naman hindi ipinahihintulot sa Muslim na ipagpaliban nang kusang-loob ang dasal sa `aṣr hanggang sa napakalapit na ang paglubog ng araw dahil siya ay magpapakawangis sa mga mananamba ng araw kabilang sa mga Kāfir. Ang Muslim ay para bang gumagaya sa mga Kāfir na ito dahil sa paggawa niyon na pagpapaliban ng dasal sa `aṣr hanggang sa oras na iyon. Tinawag ito ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na dasal ng mga Munāfiq (nagpapanggap ng Muslim) dahil ang Munāfiq ay nag-aabang sa araw hanggang sa kapag nanilaw na ito ay saka siya titindig upang magsagawa ng apat na rak`ah dasal na parang tumutuka sa bilis. Hindi niya naalaala si Allāh sa sandaling iyon malibang madalang. Kaya mag-ingat ka na magpakawangis sa mga Kāfir o magpakawangis sa mga Munāfiq at ipagpaliban ang dasal na `aṣr nang kusang-loob hanggang sa oras ng paninilaw ng araw. Nagsabi ang Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan: "sapagkat tunay na ito ay lumulubog sa pagitan ng dalawang sungay ng demonyo at sa sandaling iyan nagpapatirapa roon ang mga tumatangging sumampalataya." Nagsabi si `Amr: "Nagsabi ako: 'O Propeta ni Allāh, ang wuḍū' naman, magsalaysay ka sa akin ng tungkol doon.' Kaya nagsabi siya: 'Kapag mula sa inyo ay may isang taong pumunta sa panghugas niya, nagmumog, suminghot [ng tubig] at suminga, malalaglag ang mga kasalanan ng mukha niya mula sa mga dulo ng balbas niya kasama ng tubig..." Nangangahulugan ito na kapag nagsagawa ang tao ng wuḍū' ay naglalaglagan ang mga pagkakasala niya kasabay ng kahuli-hulihang patak ng tubig. Kapag hinugasan niya ang mukha niya, tunay na ang mga pagkakasala ng bibig, ilong, mukha, at mga mata ay bumababang lahat kasama ng tubig. Pagkatapos, tunay na si `Amr bin `Abasah, malugod si Allāh sa kanya, ay nagsalaysay ng ḥadīth na ito kay Abū Umāmah, malugod si Allāh sa kanya, at nagsabi sa kanya si Abū Umāmah: "O `Amr bin `Abasah, tingnan mo ang sinasabi mo! Sa iisang tayuan binibigyan ang lalaking ito?" Nangangahulugan ito na para bang siya nagtuturing na marami ang lahat ng ito para ibigay sa tao sa iisang tayuan. Kapag isinagawa ang wuḍū' na ito ay babagsak ang mga kasalanan, ang lahat ng ito, mula sa tao. Pagkatapos ay magsisimula siya sa pagdarasal at matatapos mula rito gaya ng araw ng ipinanganak siya ng ina niya, na walang pagkakasala. Nagsasabi si Abū Umāmah kay `Amr bin `Abasah: "Alalahanin mo nang maigi na baka may nakalimutan ka mula sa binanggit sa iyo ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan." Kaya ang sagot ni `Amr, malugod si Allāh sa kanya, ay ang sabi niya: "O Abū Umāmah, talaga ngang lumaki na ang edad ko, rumupok na ang buto ko, at lumapit na ang taning ko. Walang pangangailangan sa akin na magsinungaling laban kay Allāh, pagkataas-taas Niya..." Imposible sa mga Kasamahan ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na magsinungaling hinggil sa Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, o sa Panginoon nila, napakamaluwalhati Niya. Nagsabi siya: "...ni laban sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Kung sakaling hindi ko narinig iyon mula sa Sugo ni Allāh, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, malibang isang ulit o dalawang ulit o tatlo (hanggang sa bumilang siya ng pitong ulit) hindi ako magsasalaysay kailanman niyon..." Nangangahulugan ito: ang ḥadīth na ito ay hindi sinabi ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, nang iisang ulit, bagkus sinabi niya ito nang pitong ulit. Ang bilang na "pito" ay binabanggit ng mga Arabe nang may kahulugang "marami" at marahil siya ay nagsabi nito nang higit pa roon. Nagsabi siya: "subalit narinig ko iyon nang higit pa roon."

التصنيفات

Ang mga Oras ng Pagbabawal sa Ṣalāh, Ang Panahong Pang-Makkah