Ito si Jibrīl, bumibigkas sa iyo ng kapayapaan.

Ito si Jibrīl, bumibigkas sa iyo ng kapayapaan.

Ayon kay `Ā'ishah, malugod si Allah sa kanya, na nagsabi: "Nagsabi sa akin ang Sugo ni Allah, pagpalain siya ni Allah at pangalagaan: Ito si Jibrīl, bumibigkas sa iyo ng kapayapaan." Nagsabi siya: "Sinabi ko: At sumakanya ang kapayapaan, awa ni Allah, at ang mga biyaya Niya." Ganito ang nasaad sa ilan sa mga sanaysay ng Ṣaḥīḥān: "at ang mga biyaya Niya." Sa ilan naman sa mga ito ay inalis iyon. Ang pagdaragdag ng tiwala ay katanggap-tanggap.

[Tumpak] [Napagkaisahan ang katumpakan]

الشرح

Ipinababatid sa atin ni `Ā'ishah, malugod si Allah sa kanya, na ang Propeta, pagpalain siya ni Allah at pangalagaan, ay nagsabi sa kanya: "O `Ā'ishah, ito si Jibrīl, bumibigkas sa iyo ng kapayapaan." Sa isang sanaysay: "ipinabibigkas niya sa iyo ang kapayapaan." Ibig sabihin: ipinapatnubay niya sa iyo ang kapayapaan at binabati ka niya ng pagbati ng Islam." Kaya nagsabi siya: "At sumakanya ang kapayapaan, ang awa ni Allah, at ang mga biyaya Niya." Ginantihan niya ang pagbati ng higit na maganda kaysa roon, bilang pagsasagwa sa sabi ni Allah, pagkataas-taas Niya: "Kapag binati kayo ng isang pagbati ay bumati rin kayo ng higit na maganda kaysa roon o gantihan ninyo iyon ng katulad. Tunay na si Allah, sa bawat bagay, ay laging Tagapagtuos." (Qur'an 4:86) Pagkatapos, tunay na bahagi ng Sunnah na kapag ipinarating ang pagbati mula sa isang tao papunta sa isang tao ay na tugunin ito sa pamamagitan ng pagsabi ng: "at sumakanya ang kapayapaan, ang awa ni Allah, at ang mga biyaya ni Allah," dahil sa malinaw na nasaad sa hadith ayon kay `Ā'ishah, malugod si Allah sa kanya. Kung sinabing: "sumaiyo at sumakanya ang kapayapaan o sumakanya at sumaiyo ang kapayapaan, ang awa ni Allah, at ang mga pagpapala Niya," ito ay maganda dahil itong nagparating ng kapayapaan ay gumagawa ng maganda kaya naman tutumbasan mo siya ng panalangin para sa kanya. Subalit isinasatungkulin ba sa iyo na iparating ang habilin kapag nagsabing: "Batiin mo para sa akin si Polano" o hindi isinasatungkulin? Dinetalye ito ng mga maalam at sinabi nila: Kung ipinangako mo sa kanya iyon, isinatungkulin iyon sa iyo dahil si Allah ay nagsasabi: "Tunay na si Allah ay nag-uutos sa inyo na gampanan ninyo ang mga ipinagkatiwalang tungkulin sa mga kinauukulan ng mga ito," (Qur'an 4:58) at ikaw ngayon ay gaganap niyon. Kapag naman nagsabing: "Batiin mo para sa akin si Polano" at nanahimik ka o sinabi mo sa kanya halimbawa: "Kapag naalaala ko" o anumang nakakawangis niyon, ito ay hindi nagiging tungkulin malibang kapag naalaala mo at nangako ka sa kanya na babati ka roon kapag naalaala mo. Ngunit ang pinakamaganda ay hindi aatangan ng ganito ng tao ang isa man dahil ito ay baka magpahirap sa kanya. Subalit kung nagsabing: "Batiin mo para sa akin ang sinumang nagtanong tungkol sa akin," ito ay mabuti. Kung oobligahin naman siya, tunay na ito ay hindi makabubuti dahil siya ay maaaring nahihiya sa iyo at magsasabing: "Oo, ipararating ko ang pagbati mo," pagkatapos ay malilimutan niya o tatagal ang panahon o anumang nakakawangin niyon.

التصنيفات

Ang Pananampalataya sa mga Anghel