Talaga ngang nakakita ako ng pitumpong kabilang sa mga tao ng Ṣuffah; wala sa kanilang lalaking nakasuot ng balabal

Talaga ngang nakakita ako ng pitumpong kabilang sa mga tao ng Ṣuffah; wala sa kanilang lalaking nakasuot ng balabal

Ayon kay Abū Hurayrah, malugod si Allāh sa kanya: "Talaga ngang nakakita ako ng pitumpong kabilang sa mga tao ng Ṣuffah; wala sa kanilang lalaking nakasuot ng balabal: tapis o kumot na itinali nila sa mga leeg nila. Mayroon sa mga ito na umaabot sa kalahati ng binti at mayroon sa mga ito na umaabot sa mga bukung-bukong. Binubungkos nila ito sa kamay upang maiwasang makita ang kahubaran."

[Tumpak] [Isinaysay ito ni Imām Al-Bukhārīy]

الشرح

Ang mga tao ng Ṣuffah ay mga Kasamahan ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan, na kabilang sa mga Muhājir (Lumikas) na maralita na nag-iwan sa mga tahanan nila at mga ari-arian nila sa Makkah at lumikas sa Madīnah matapos na ito ay maging pinakakaibig-ibig sa mga bayan para sa kanila. Ang mga tao ng Ṣuffah ay higit sa pitumpong lalaki. Ang Ṣuffah ay kanlungang masisilungan na matatagpuan sa hulihan ng Masjid ng Propeta, pagpalain siya ni Allāh at pangalagaan. Natutulog sa ilalim nito ang mga maralitang ito na mga Muhājir. Tungkol naman sa mga kasuutan nilang isinusuot nila sa tag-init at taglamig, ipinababatid sa atin ni Abū Hurayrah, malugod si Allāh sa kanya, yamang siya ay isa sa mga tao ng Ṣuffah at sinasabi niya: "...wala sa kanilang lalaking nakasuot ng balabal: tapis o kumot..." Upang makapagsuot ang isa sa kanila ng balabal kailangang magsuot siya sa ilalim niya ng tapis. Ang balabal ay nakakatumbas sa ngayon ng pang-itaas at tinatawag din na damit. Si Abū Hurayrah ay bumabanggit na ang isa sa kanila ay hindi nagtataglay ng bagay na ito, bagkus siya ay may iisang telang ipinantatakip sa sarili mula sa taas hanggang sa baba na nakawawangis ng tinatawag sa ngayon na maiksing sapin sa kama. Nagsabi si Abū Hurayrah: "...itinali nila sa mga leeg nila." Ibig sabihin: Itinatali ito ng isa sa kanila sa leeg niya, gaya ng pagtatali ng batang lalaki ng damit nito sa leeg nito, dahil hindi nakasasapat sa kanya ang damit na suot niya na baka makalag; ang dulo nito lamang ang nasa leeg niya, malugod si Allāh sa kanya. Pagkatapos ay nagsabi pa si Abū Hurayrah: "Mayroon sa mga ito na umaabot sa kalahati ng binti..." Ibig sabihin: Ang haba ng kasuutang ito ay mula sa balikat hanggang sa kalahati ng binti, kaya naman hindi umaabot sa bukung-bukong. Pagkatapos ay sinabi pa niya: "...mayroon sa mga ito na umaabot sa mga bukung-bukong. Binubungkos nila ito sa kamay upang maiwasang makita ang kahubaran." Ibig sabihin: "Na sa sandali ng ṣalāh binubungkos nila ito sa sarili nila upang hindi makita ang kahubaran nila habang sila ay nakayukod o nakapatirapa, malugod si Allāh, mapagpala Siya at pagkataas-taas, sa kanilang lahat. Ito ang kalagayan ng marami sa mga Kasamahan, malugod si Allāh sa kanila. Namuhay sila sa karalitaan at kasalatan ngunit hindi sila umasa sa mundo at gayak nito; kahit pa noong binuksan sa kanila ang karangyaan ng mundo ay hindi sila naabala nito. Nanatili sila sa kaluguran nila at pag-iwas sa karangyaan hanggang sa bawiin sila ni Allāh.

التصنيفات

Ang mga Kainaman at ang mga Kaasalan, Ang mga Kalagayan ng mga Taong Maayos